Paghubog ng Pananampalataya
Kailan ka huling nagsimba o sumamva kasama ang iyong pamilya? Kailan ang huling pagkakataon na sama-sama kayong kumain at nagbigay ng pasasalamat dahil sa mga biyayang inyong tinanggapbilang pamilya? Siguro, mas madalas walang pagkakataon, busy lahat. Maging ikaw busy rin. Pero napansin mo ba na kapag hindi sama-sama, parang may kulang?
Sabi ni Stephen Covey sa kaniyang akalat na 7 Habits of Highly Effective Families, may mga pag-aaral na nagpapatunay na ang pakikibahagi ng isang tao sa mga gawaing pangrelihiyon ay mahalaga upang magkaroon ng pangkaisipan at pandamdaming kalusugan at katatagan lalo na kung ito ay ginagawa ng tao ng may pagkukusa o bukas puso. Ito rin ay nakapagpapatibay ng pagsasamahan ng pamilya. Aniya, kung ang isang pamilya ay maglalaan 10-15 minuto sa tuwing umaga sa pagbabasa ng mga babasahin na mag-uugnay sa inyo at sa Diyos (tulad ng Bibiliya para sa mga Kristiyano o Qu'ran para sa mga Muslim), makatitiyak na ang mga pagpapasiyang isasagawa ay mabuti, mas magiging makabuluhan sa pag iisip, mas magiging mahusay ang pakikitungo sa kapwa, mas magiging maayos ang mga binubuong pananaw, magkakaroon ng sapat na kakayahan na mag-isip muna bago gumawa ng kilos o tumugon sa sitwasyon, mas magiging malapit ang ugnayan sa mga bagay o tao na tunay na mahalaga sa iyo at higit sa lahat mas magiging matibay ang ugnayan ng buong pamilya.
Ngunit paano natin masasanay ang ating sarili kasama ang ating sarili kasama ang ating pamilya sa pagsasagawa ng mga ganitong gawain? Narito ang ilan sa mga pamamaraan na maaaring makatulong sa iyo at sa iyong pamilya.
1. Tanggapin na ang Diyos ang dapat maging sentro ng buhay-pampamilya.
Mahalagang tanggapin at yakapin ng lahat ng kasapi ng pamilya na ang Diyos at ang tunay na pananampalataya sa kaniya ang makapagbibigay ng katiwasayan sa pamilya at sa ugnayan ng mga kasapi nito. Mas magiging madali para sa isang pamilya ang harapin ang anumang pagsubok kung nananatiling matingkad ang presensiya ng Diyos sa gitna nito.
2. Ituon ang pansin sa pag-unawa.
Ang pakikinig sa panalangin o sa nilalaman ng mga aklat tungkol sa pananampalataya ay hindi sapat kahit pa ang pagmemorya sa nilalaman nito. Ang mahalaga ay tunay na ipaunawa sa anak ang halaga ng pagkakaroon ng kaalaman at pag-unawa sa nilalaman nito para sa kaniyang buhay at kung paano ito mailalapat sa kaniyang araw-araw na pamumuhay.
3. Hayaang maranasan ang tunay at malalim nitong mensahe.
Hayaang maranasan ang tunay at malalim nitong mensahe. Hindi natin malilimutan ang mga karanasan na nagkaroon ng malalim na epekto sa ating pagkatao. Mas magiging malalim ang mensaheng maibibigay ng aral ng pananampalataya kung ito ay mararanasan sa pang-araw-araw na buhay.
4. Gamitin ang mga pagkakataon na handa ang bawat kasapi ng pamilya na makinig at matuto.
Ang paghubog sa tao sa pananampalataya ay hindi dapat ipinipilit. Kapag ginawa ito,lalong lalayo ang loob ng kasapi ng pamilya. Mahalagang laging gamitin ang mga pagkakataon na dumarating upang mailapat ang mga mensahe mula sa mga aklat tungkol sa pananampalataya.
5. Tulungan ang bawat kasapi upang maitanim sa kanilang isipan ang itinuturo tungkol sa pananampalataya.
Mabilis makalimot ang tao. Kaya sa pagtuturo tungkol sa mahahalagang aral tungkol sa pananampalataya, mahalagang maisagawa ito nang paulit-ulit upang ito ay tumanim nang malalim sa kanilang puso at isipan.
6. Iwasan ang pag-aalok ng "suhol." "Sige, kapag sumama ka sa akin magsimba kakain tayo sa labas."
Hindi naman siguro ito masama ngunit mahalagang maiwasan na hindi dapat malito ang tao sa tunay na layunin ng pagsasagawa ng mga gawain para sa pananampalataya. Mas mahalaga pa rin na matulungan ang mga kasapi ng pamilya na gawin ito nang kusang-loob at buong-puso. Sa ganitong pagkakataon lamang ito magkakaroon ng lalim para sa kanila.
7. Ipadanas ang pananampalataya nang may kagalakan.
Mas masaya, mas hindi malilimutan. Ito ang mahalagang tandaan kung magtuturo tungkol sa pananampalataya. Tiyakin na lilikha ng mga pagkakataon na magiging masaya ang kasapi ng pamilya na matuto.
. Ang lahat ay isagawa nang may pagmamahal at malalim na pananampalataya. Huwag nating hayaan masira ang pamilyang binuo dahil sa pagmamahal. Kailangan kumilos ang lahat para ito ay ingatan at ipaglaban.